Paghahain ng income tax return, hiniling na palawigin pa ng 30 araw

67

Hiniling ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa Department of Finance (DOF) at sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na palawigin pa ng 30 araw ang deadline ng paghahain ng 2020 income tax return.

Ito ay dahil sa darating na Huwebes o sa April 15 na ang nakatakdang deadline para sa pagbabayad ng tax returns ng mga taxpayers.


Giit ni Rodriguez, dahil sa pandemya at sa kasalukuyang mahigpit na lockdown at polisiya ay hindi basta makalabas ng bahay ang mga tao kaya marapat lamang na bigyan pa ng sapat na panahon ang mga taxpayers na makapagbayad ng kanilang mga buwis.

Posible rin aniya na maysakit o nahihirapan din ang ilang mga tax filers at kahit gustuhin man ng isang taxpayer na personal na maghain ng tax return ay pahirap naman sa mga ito ang pagkakaroon ng ligtas na transportasyon.

Katwiran pa ng kongresista, imposible rin para sa iba na makapaghain ng tax return sa online dahil ang ibang mga dokumento ay nasa mga opisina kung saan ang ilan ay sarado dahil naka-lockdown.

Tinukoy pa ni Rodriguez na ilan din sa mga BIR offices at bangko ay sarado rin dahil sa disinfection at sa ipinatupad kamakailan na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) Plus bubble.



Facebook Comments