Manila, Philippines – Kabaliwan para kay Senador Leila De Lima ang banta ni House Speaker Pantaleon Alvarez na paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo.
Ayon sa senadora, may kalayaan ang bawat isa sa pag-iisip, konsenisya at pagpapahayag.
Dagdag pa nito, ang tunay na traydor sa publiko ay ang mga pumipigil sa mga pangunahing kalayaan, ang mga nagsusulong at pumapayag sa extrajudicial killings, at ang mga nagpapakalat ng kasinungalingan at pekeng balita.
Matatandaang nagbabala si Alvarez na posibleng mapatalsik sa puwesto si Robredo dahil sa pagpapadala nito sa United Nations ng isang video message na kumokondena sa giyera kontra iligal na droga ng administrasyon.
Ipinahayag ito ng House Speaker matapos isampa sa kamara ang kauna-unahang impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.