PAGHAHATID NG TULONG SA DAGUPAN, NAGING PAHIRAPAN SA DSWD R1 DULOT NG MALALIM NA PAGBAHA; AYUDA, TULOY PA RIN

Sa kabila ng malalim na baha sa ilang bahagi ng Dagupan City, naihatid pa rin ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 ang 5,170 Family Food Packs (FFPs) para sa mga pamilyang naapektuhan ng nagdaang bagyo at patuloy na pag-ulan.

‎Kita sa ibinahaging video ng tanggapan ang hirap ng mga kinatawan sa paglusong sa baha para lamang maihatid ang tulong.

‎Mahigit isang linggo na ring nakararanas ng pagbaha ang ilang lugar sa lungsod, na naging hamon sa pag-abot sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong.

‎Gayunman, patuloy na isinagawa ng DSWD FO 1 ang paghahatid ng food packs, katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Dagupan City, Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine National Police (PNP).


‎Sa kabila ng lalim ng baha at hirap sa pagpunta sa mga apektadong lugar, naipamahagi ang mga ayuda noong Agosto 13 upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.


‎Patuloy naman ang pagtugon ng DSWD FO 1 sa mga apektadong komunidad upang matiyak na makarating ang tulong sa mga nangangailangan lalo na sa panahon ng kalamidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments