Saturday, August 15, 2026

Pagkiling ng hudikatura sa interes ng mga korporasyon, nalantad dahil sa pagsuspinde ng korte sa ₱85 wage hike

Para kay Kamanggagawa Party-list Representative Elijah “Eli” San Fernando, nalantad ngayon ang pagkiling ng hudikatura sa interes ng mga korporasyon.

Giit ito ni San Fernando kasunod ng preliminary injunction na ibinaba ng Pasig Regonal Trial Court (RTC) Branch 152 na nagpapalawig sa suspensyon ng pagpapatupad sa ₱85 na wage increase sa national capital region.

Binanatan ni San Fernando ang huwes ng Pasig RTC na kumakatig at tumatalima sa kumpas ng mga dambuhalang negosyante kahit napakalinaw ng batas na walang karapatan ang mga lokal na korte na pigilan ang mga wage order.

Binatikos din ni San Fernando ang mga corporate petitioners na nakapagbayad ng ₱10 bilyong bond sa korte para lang ipitin ang dagdag sahod pero dumadaing na hindi daw nila kayang ipakaloob ang kakarampot na ₱85 na umento sa sahod.

Bunsod nito ay tahasang sinabi ni San Fernando na binaboy ng utos ng korte ang diwa ng hustisya at ginawang mas mahalaga ang tubo ng iilang kumpanya kaysa sa pagkain sa hapag-kainan ng pamilyang Pilipino.

Facebook Comments