Manila, Philippines – Isasagawa sa linggong ito ang Bi-Annual Plenary Assembly ng mga obispong Katoliko mula sa ibat ibang panig ng bansa.
Sa asembliyang ito ay inaasahang maghahalal ng bagong mga opisyal na mamumuno sa kanilang hanay sa susunod na dalawang taon.
Ang mga miyembro ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ay maghahalal ng mga bagong opisyal kasama na ang papalit sa kasalukuyang presidente na si Archbishop Socrates Villegas na nasa huling termino na bilang pinuno ng CBCP na kanyang hinawakan sa loob ng apat na taon.
Ang mga opisyal ng CBCP ay mayroong dalawang taon para manungkulan sa pwesto at pinapayagan sila na maupo sa ikalawang termino kung sila ay mahahalal.
Sinumang aktibong obispo ay maaring pumalit kay Villegas, maliban na lamang sa mga naging presidente ng CBCP na nanungkulan na sa loob ng dalawang termino.
Ang CBCP ay mayroong 131 miyembro kung saan 83 sa kanila ay aktibo, lima ang administrador at 43 ang retirado.
Magsisimulang manungkulan ang mahahalal na mga bagong opisyal ng CBCP sa a-uno ng Disyembre ng taong ito.