Manila, Philippines – Tinanggap ni Senator Panfilo Ping Lacson ang paghingi ng tawad ni dating Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines o ISAFP chief Victor Corpus.
Sabi ni Lacson, na-appreciate niya ang pagpapakumbaba ni Corpus kahit noon pa niya ito dapat ginawa.
Sa impormasyon nakarating kay Lacson, ay inamin ni Corpus na mali ang kanyang pagsasangkot noon kay Lacson sa iligal na droga at iba pang iligal na aktibidad.
Sa pamamagitan ng isang video ay sinabi ni Corpus na naniwala kasi siya sa kasinungalingan ng testigong si Angelo “Ador” Mawanay na nabigong maglatag ng ebidensya laban sa mga alegasyon kay Senator Lacson.
Si Mawanay naman ay magugunitang bumaliktad na rin sa kanyang mga akusasyon laban kay Lacson noon pang 2004.
Bunsod nito ay iginiit ni Lacson na dapat lang mag-sorry na rin o magtama ng kanilang mga naging panahayag ang lahat ng nag-akusa ng mali sa kanya at sumira sa kanyang reputasyon, dignidad at karangalan.