Paghingi ng Tulong bago ang Pagkuha ng Video sa oras ng Sunog, Ipinanawagan ng BFP Cauayan

Cauayan City, Isabela- Tinatayang nasa higit kumulang P1.3 million ang halaga ng pinsala sa nangyaring sunog sa isang establisyimento noong Oktubre 4 sa kahabaan ng Rizal Ave., Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.

Ayon kay Fire Chief Inspector Aristotle Atal, Fire Marshal ng BFP Cauayan City, ito ay batay sa ginawang assessment ng LGU sa establisyimento na halos 50 taon ng nakatayo sa nasabing lugar.

Samantala, nagpaalala naman si Atal sa publiko na huwag ugaliin ang pagkuha ng video sa mga nangyayaring sakuna bago pa man tumawag ng tulong mula sa BFP.


Ito ang kanyang naging assessment makaraang pagbatayan ang pagtanggap ng tawag mula sa mga residente na halos 10 minuto na pagkasunog sa isang bahay sa Brgy. Buena Suerte bago pa sila tawagan.

Aniya, sa bawat 10 minutong nakakalipas ay mas titindi pa ang pagkalat ng apoy dahilan para tupukin nito ang malaking bahagi ng kabahayan.

Maliban dito, tuloy pa rin ang isinasagawang disinfection ng mga kawani ng BFP para matiyak ang ligtas na pagbisita ng mga tao sa ilang mga matataong lugar gaya ng palengke.

Sa katunayan may panawagan rin ito sa publiko sa mga posibleng nakakita ng makina na kanilang ginagamit sa disinfection na isauli sa kanila matapos itong mahulog sa bahagi ng TOG2 area noong kasagsagan ng pag-uulan.

Facebook Comments