Paghingi ng Tulong ng mga Isabelinong Tsuper na Na-stranded sa Pasig City, Natugunan ng iFM Cauayan!

Cauayan City, Isabela- Inaasahan ngayong araw ay matatanggap na ng ilang traysikel drivers na na-stranded sa Pasig City ang tulong mula pamahalaang panlalawigan ng Isabela.

Ito’y matapos idulog ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, Information Officer ng Isabela Provincial Government ang paghingi ng tulong ng nasa 27 katao na kinabibilangan ng mga tsuper at ilang asawa ng mga ito na tubong Cabagan, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Binag, naipaabot na nito kay Governor Rodito Albano III ang hinaing ng mga Isabelinong namamasada sa naturang Lungsod na agad namang tinugunan ng Provincial government.


Nakausap at nakuha na aniya nila ang mga pangalan at contact number ng mga tsuper na bibigyan ng cash assistance sa pamamagitan ng Isabela Action Center sa Quezon City.

Ayon naman kay Ginoong Jojit Taguinod Forto, 43 taong gulang, residente ng brgy. Cansan, Cabagan, Isabela, 3 grupo aniya sila mula sa bayan ng Cabagan na nagtungo sa Pasig City upang pansamantalang mamasada ng traysikel at nakatakda sana silang bumalik sa Isabela ngayong anihan subalit naabutan sila ng lockdown.

Hirap aniya ang kanilang kalagayan matapos na hindi na payagang mamasada dahil sa ECQ dulot ng COVID-19 pandemic.

Giit ni Forto, pagsasaka ang kanilang hanap buhay dito sa Isabela at para hindi aniya masayang ang kanilang panahon habang naghihintay ng anihan ay nagtungo muna ang kanyang grupo sa Pasig upang mamasada at kumita.

Nagpapasalamat naman ito sa iFM Cauayan at kay Governor Albano III dahil sa pagtugon sa kanilang hinihinging tulong.

Facebook Comments