Nagsimula ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paghuhukay sa mga ilog bilang paghahanda sa La Niña.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na hindi pa rin kasi maiiwasan ang mga pagbaha sa ilang lugar sa panahon ng tag-ulan.
Marami kasi aniyang dahilan ang pagbaha tulad ng mababaw na mga ilog na mabilis umapaw kapag malakas ang ulan.
Kaya naman sabi ng kalihim, isa sa mga programa ng DPWH ay ang desilting at dredging o paghuhukay sa mga ilog at tributaries para magkaroon ng mataas na carrying capacity ang mga ito.
Tuloy-tuloy rin aniya ang implementasyon ng flood control projects gayundin ang reforestation dahil nakakaapekto raw ang soil erosion sa mga ilog at daluyan ng tubig.
Samantala, umabot na sa 4,700 ang nakumpletong flood control projects mula July 2022 habang nasa 4,200 naman ang on going na mga proyekto.