Paghuhulog ng mga Leaflets na Naghihikayat sa mga NPA na Sumuko, Epektibo Ayon sa TOG 2

Cauayan City, Isabela- Epektibo umano ang ginagawang leaflets dropping ng mga kasapi ng Tactical Operations Group (TOG) 2 at ng philippine army sa mga kanayunan at liblib na lugar na nasasakupan nito para mahikayat ang mga rebeldeng grupo na sumuko sa gobyerno.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Col Augusto Padua, Group Commander ng TOG 2, malaki ang naitutulong ng kanilang paghuhulog ng mga pulyetos na layong maipaabot sa mga rebelde na nasa kabundukan na magbalik loob na sa pamahalaan at maipaalam ang mga benepisyo at programang matatanggap kung sakaling sumuko.

Nakasulat din sa mga pulyetos ang mga naging mensahe at rebelasyon ng mga sumukong NPA kaugnay sa kanilang mga naranasan habang nasa loob ng kilusan at karanasan din sa poder ng kasundaluhan pagkatapos ng kanilang pag-alis sa grupo.


Nakalagay din sa leaflets ang halaga ng bawat isusukong baril bukod pa sa matatanggap na financial assistance sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.

Ayon pa kay Col Padua, katuwang ng 95th Infantry Battalion ang TOG2 upang maisagawa ang naturang aktibidad para mahikayat din ang iba pang miyembro ng makakaliwang pangkat na sumunod sa mga naunang sumuko.

Nakakatulong din aniya ang kanilang paghuhulog ng mga pulyetos upang mailayo at mabigyan ng kaalaman ang mga sibilyan na sumapi sa teroristang grupo.

Magugunitang inihayag ng ilan sa mga sumukong NPA sa militar na nahikayat ang mga ito na magbalik loob dahil sa nilalaman ng kanilang napulot na pulyetos mula sa kasundaluhan.

Facebook Comments