Paghuli sa mga Suspek na Wanted sa Batas, High-tech na

Cauayan City, Isabela- High-tech na ngayon ang pagtugis sa mga suspek na kabilang sa high value target ng mga awtoridad o may mga pending Warrant of Arrest dahil madali na itong matutukoy ng sinuman gamit ang smartphone.

Ito ay dahil sa inilunsad na PROJECT A.R.R.E.S.T ng Police Regional Office 2.

Ayon kay Regional Director PBGen. Crizaldo Nieves,nasa 70% ang accuracy rate ng naturang teknolohiya na layong mas mapabilis ang pagresolba sa mga krimen na naitatala sa rehiyon.


Isang real-time facial recognition system ang bagong teknolohiya na gumagamit ng artificial intelligence para matukoy ang mga High Value Target partikular ang mga may kinalaman sa iligal na droga.

Katunayan, labing-walong (18) suspek na ang nadakip ng pulisya sa loob lamang ng ilang buwan makaraan itong simulang gamitin noong buwan ng Nobyembre 2020.

Nakalagay rin ang mga litrato ng mga wanted person sa isang database kung saan maikukumpara ang mga taong nahuli ng kapulisan.

Sa ngayon, tanging PNP Region 02 pa lamang ang gumagamit sa nasabing teknolohiya at umaasa si pangrehiyong tanggapan na gagamitin din ito ng iba pang rehiyon sa bansa.

Facebook Comments