Pagiging Hadlang umano sa CPP-NPA, Anggulo sa Pamamaril sa dating Alkalde ng Lasam, Cagayan

Cauayan City, Isabela- Umaabot sa 195 empty shells ng baril na 5.56mm armalite rifle at anim (6) na empty shells ng caliber 45 ang narekober ng mga awtoridad base sa inilabas na report ng Cagayan PNP Crime Laboratory sa mismong pinangyarihan ng ambush sakay ang dalawang dating alkalde ng LGU Lasam, drayber at sekretarya ni Salazar.

Sa isang pahayag, sinabi ni PRO2 Regional Director PBGen. Crizaldo Nieves, isa sa nakikitang anggulo ng pamamaril sa mga biktima ang posibleng hadlang umano para sa CPP-NPA ang pinatay na si Sangguniang Bayan Member Eduardo Asuten.

Inihayag pa ni Nieves na aktibo kasi sa pagsuporta sa adbokasiya ni Pangulong Duterte si SB Asuten matapos ideklara na Persona-non-Grata ang mga CPP-NPA na itinuturing din umano na teroristang grupo.


Sa ngayon, mahina pa aniya ang ebidensya laban sa mga nasa likod ng karumal-dumal na pamamaril dahil kinakailangan pang makakalap ng sapat na ebidensya laban sa mga ito.

Una nang pinagbabaril sakay ng puting SUV ang dating mga alkalde at kasalukuyang SB Member na sina Marjorie ‘Jaling’ Salazar, Eduardo Asuten, driver ni Salazar na si John Rey Apil, 24-anyos at kanyang sekretarya na si Aiza Manuel, 31-anyos.

Sa kasalukuyan, nakaburol ang mga labi ng mga biktima sa isang punerarya sa bayan ng Gattaran at Lasam.

Malalimang imbestigasyon pa rin ang isinasagawa ng Cagayan PNP sa pamamagitan ng Special Investigation Task Group (SITG) na siyang tututok sa nangyaring insidente.

Photos: PRO2 (screen grabbed)

Facebook Comments