Pasado alas onse na ng umaga kahapon nang makita at maiahon mula sa ilog ang wala nang buhay na katawan ng biktima na si Marilyn Masiddo, 30 taong gulang, may-asawa at residente ng Brgy. San Rafael Alto, Sto Tomas, Isabela.
Isinagawa naman ang search and retrieval operation ng mga kasapi ng MDRRMO Cabagan sa katawan ng biktima.
Sa ating panayam kay PMaj Rey Lopez, hepe ng PNP Cabagan, lumalabas sa kanilang inisyal na pagsisiyasat na sakay ang biktima sa isang traysikel na minamaneho ni Rodolfo Aggabao, 58 taong gulang, residente ng brgy. San Rafael Alto, Sto. Tomas patungong brgy. Cansan.
Kasamang bumiyahe ng biktima ang nag-iisang dalawang taong gulang na anak at kapatid nito na ihahatid sana dito sa Lungsod ng Cauayan.
Habang bumabaybay sa tulay ang traysikel ay umiwas ito sa bitak na bahagi ng tulay hanggang sa pumagilid malapit sa gutter at hindi naman nakontrol ng backrider na biktima ang kanyang katawan kaya bigla itong nahulog at dumeretso sa ilog.
Hindi na nagawang mailigtas ang biktima dahil tinangay na ito ng tubig.
Pinag-iisipan naman ng pamilya ng biktima kung magsasampa ng reklamo laban sa drayber ng traysikel.