Pagkaka-aresto sa Chinese spy at pagkakadiskubre sa ilang underwater drone, posibleng magkaka-ugnay

Hindi isinasantabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ‘possible connection’ sa pagkaka-aresto sa sinasabing Chinese spy ang pagkakadiskubre ng ilang underwater drones at ang mga nakukuhang fake identification cards ng ilang foreign nationals.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad posibleng mayroong banyagang kapangyarihan ang tila nagma-mapa ng Pilipinas.

Aniya ito ang mahigpit na binabantayan ngayon ng Armed Forces of the Philippines.

Samantala, sinabi naman ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na tinitingnan din nila ang posibleng kaugnayan nito sa pinatigil na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) operations sa bansa.

Matatandaang dalawang Chinese spy na ang naaresto ng mga otoridad, isa noong isang taon at isa nito lamang isang araw na kapwa sangkot sa surveillance activities sa Pilipinas.

Limang submersible drones din ang narekober sa katubigan ng bansa at ang laganap na pekeng ID at birth certificates ng ilang foreign nationals.

Hindi naman sinabi ni RAdm. Trinidad kung ang China ang nasa likod nito, dahil ayaw umano niyang mag-speculate.

Facebook Comments