*Cauayan City, Isabela*- Nananawagan si Fire Superintendent Paul Diaz, Provincial Fire Marshall ng Isabela sa kinauukulan na mabigyan na ng sasakyan ang pito (7) pang Fire Station sa Isabela.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Fire Supt. Diaz, pitong (7) bayan na lamang sa Lalawigan ang wala pang Fire Truck gaya ng Gamu, San Manuel, San Isidro, at mga coastal towns ng Isabela na Dinapigue, Palanan, Maconacon, at Divilacan.
Mayroon aniyang kabuuang 63 na Fire Trucks sa buong hanay ng BFP Isabela at inaasahan aniya na mayroon pang susunod na pamimigay ng sasakyan ngayong darating na buwan ng Abril.
Kaugnay nito, nananawagan si Fire Supt. Diaz sa mga alkalde na makipagtulungan sa kanila upang makapag request sa DILG nang mabigyan na rin ng sariling fire truck ang mga natitira pang station na kanilang gagamitin para sa kanilang mas mabilis na pagresponde.
Samantala, nilinaw naman ni Diaz na hindi lamang ang pag-apula ng sunog ang kanilang ginagawang trabaho dahil nagiging katuwang rin aniya ang mga bumbero sa mga rescue and operations, prevention ng crime incidents at iba pang mga aktibidad para sa kaligtasan ay kabutihan ng mamamayan.