Inihain muli sa Kamara ang panukalang batas na lilikha ng Medical Reserve Corps.
Sa House Bill No. 2 na inihain nina Leyte Rep. Martin Romualdez at Tingog Partylist Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre ay tinitiyak ng panukala ang pagkakaroon ng sapat na medical personnel na maide-deploy sakaling magkaroon muli ng health emergencies tulad ng COVID-19 pandemic.
Layunin ng Medical Reserve Corps Bill na mapagbuti ang kapasidad ng bansa na makapag-produce agad ng kinakailangang manpower at mapalawak ang human health resources sa panahon ng kalamidad at public health emergencies sa parehong national at local levels.
Ang reserve group ay bubuuhin ng mga lisensyadong doktor kasama na rito ang mga nagretiro at iyong mga hindi na nagpa-practice sa hospital setting gayundin ang mga medical student na nakakumpleto na ng unang apat na taon sa medical course, mga nagtapos ng medisina at registered nurses.
Daraan naman ang mga ito sa mga pagsasanay bago mai-deploy sa anumang health emergency.
Tinukoy kasi sa panukala na nailantad ng pandemya ang kahinaan ng health care system ng bansa partikular na sa pagtugon sa mataas na kaso noon ng mga pasyenteng nangangailangan ng medical care bunsod ng kakulangan sa mga medically-trained personnel.