*Cauayan City, Isabela- *Isa umano sa nagiging dahilan ng biglaang pagkawala ng daloy ng kuryente ay ang pagkakasagi at pagkakapatid ng mga malalaking truck sa mga kawad ng kuryente.
Ito ang nilinaw ni Ms. Lilibeth Gaydowen ng National Grid Corporations of the Philippines (NGCP) ng North Luzon na nagkakaroon umano tayo ng hindi inaasahang brownout dahil sa mga isinasagawang pagsusuri sa mga kawad ng kuryente na nasagi ng mga malalaking truck.
Sinusuri umano ng NGCP ang linya ng kanilang nasasakupan upang maibalik ang magandang daloy ng kuryente upang masiguro na walang maaaksidente dahil sa mga napapabayaang kable ng kuryente na napapatid ng mga dumadaan na malalaking sasakyan.
Aniya, Nakapagtala na umano sila ng apat na beses sa isang buwan nang biglaang pagkawala ng kuryente dahil sa mga aksidenteng pagkakasagi ng mga kawad at pagtatambak ng putik sa mga poste ng kuryente.
Nakikipag-usap rin umano sila sa mga kontractors na makipagtulungan sa kanilang tanggapan kung may mga nakitang insidente o pagkasira ng mga kawad na sanhi ng pagkakawala ng daloy ng kuryente.
Paalala naman ni Ms. Gaydowen na huwag umanong hawakan o lapitan ang mga kable ng mga kuryente upang makaiwas sa anumang aksidenteng pagkakuryente.