Tiniyak ng Department of Interior and Local Government sa mga dayuhang turista na hindi dapat mabahala sa seguridad sa bansa .
Pahayag ito ni DILG Secretary Eduardo Ano matapos maisama ang Pilipinas sa inilabas ng US State Department na listahan ng mga bansang may mataas na posibilidad ng kidnapping.
Aniya, patuloy ang pagbaba ng kaso ng kidnapping sa bansa mula pa sa mga nakalipas na taon bunga nang matibay na programang pangkapayapaan at kaayusan ng pamahalaan.
Sa inilabas na listahan ng US State Department, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang Iraq, Afghanistan, Pakistan maging ang Malaysia at Russia sa 35 bansa na may mataas na posibilidad na magkaroon ng kaso ng kidnapping.
Inabisuhan na ang mga dayuhang Amerikano na mag-ingat sa pagpunta sa bansa.
Sinabi pa ng kalihim, wala silang nakikitang basehan para isama ang pilipinas sa listahan kayat hihingi sila sa US Embassy ng batayan na ginamit nila dito.
Base sa datos ng Philippine National Police , mayroong 68 kaso ng kidnapping sa bansa noong 2018 na karamihan ay sa Mindanao naganap, mas mababa ng 11 kaso noong 2017.
Sa kasalukuyan ay 10 pa lamang ang kaso ng kidnapping sa Pilipinas.