Pagkaklase sa isang sabungan sa Mulanay, Quezon, ipinatigil ng DepEd – Alkalde

Ipinatigil ng Department of Education (DepEd) ang pagkaklase ng ilang mga estudyante sa sabungan sa Barangay San Isidro, Mulanay, Quezon.

Ayon kay Mayor Aris Aguirre, ipinatigil ng district head ng DepEd ang pagkaklase sa sabungan dahil maaaring ikinabahala aniya ng ahensya ang naging reaksyon ng publiko hinggil dito.

Sinabihan din umano ang mga guro na sa mga tent na lamang magklase, o kaya ay bumalik sa hybrid learning gamit ang mga module.


Nasa 232 na mag-aaral ng dating San Isidro Elementary School ang nagkaklase sa sabungan mula nang mag-umpisa ang face-to-face classes nitong buwan ng Agosto.

Ito ay matapos wasakin ng magkasunod na Bagyong Rolly at Bagyong Ulysses na tumama sa Quezon noong 2020 ang mga gusali at classroom ng eskwelahan.

Bukod sa sabungan, may ilan ding mga estudyante na nagkaklase sa barangay hall, senior citizen hall, at sa bahay ng mga barangay captain.

Sinabi pa ni Aguirre na mayroon nang ilang classrooms na natapos, ngunit hindi pa rin ito sapat para sa lahat ng apektadong mga mag-aaral.

Umaapela naman ang alkalde ng karagdagang pondo sa DepEd para rin sa sweldo ng mga guro at iba pang pangangailangan sa paaralan

Facebook Comments