Cauayan City, Isabela- Pinabulaanan ng pamilya ni Ginang Salvacion Salvador,61-anyos mula sa Barangay Santiago, Reina Mercedes na walang kinalaman sa pagkamatay nito ang itinurok na bakuna kontra COVID-19.
Sa eksklusibong panayam ng iFM Cauayan kay Joseph Salvador, anak ng senior citizen, isang araw matapos mabakunahan ang kanyang ina ay nilagnat ito na sinasabing normal lang umano sa mga natuturukan ng bakuna. Bumuti naman umano ang kalagayan ng kanyang ina kalaunan.
Ayon pa sa kanya, 11-araw matapos itong mabakunahan ay nakaranas na ito ng panghihina ng katawan pero binigyang diin niya na ang dating sakit na highblood at diabetes ang ikinamatay ng kanyang ina at hindi ang ginawang pagbabakuna.
Bukod pa rito, ipinaliwanag din ng kapatid ni Salvacion na si Erlinda Apada na sila ay sumailalim sa tamang proseso o assessment tulad ng pagkuha ng blood pressure (BP) at ang pag-alam sa totoong kondisyon ng kanilang kalusugan bago sila bakunahan.
Dagdag pa ni Apada na kung sa loob ng tatlong araw ay namatay ang kanilang kaanak, dito masasabing ito ay dahil sa bakuna batay na rin sa ibinahaging impormasyon sa kanila ng RHU.
Nagpabakuna ng SINOVAC vaccine ang magkapatid na Erlinda at Salvacion noong May 3,2021.
Panawagan ng pamilya na huwag katakutan ng mga senior citizen ang pagpapabakuna kontra COVID-19.