Naniniwala ang 1Sambayan na hindi na dapat ang administrasyong Duterte o sinumang kandidato nito ang maupo sa Malacañang.
Ayon kay 1Sambayan Convenor Neri Colmenares, nakita na ng publiko ang naging pagtugon ng administrasyong Duterte sa COVID-19 pandemic kaya hindi na dapat maulit ang ganitong kapalpakan at uri ng korapsyon.
Tinukoy ni Colmenares ang bilyong overpriced pandemic deals na iniimbestigahan ngayon ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan sangkot sa kuwestiyunableng kontrata ang malapit na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na si dating Presidential Economic Adviser Michael Yang.
Si Yang ang sinasabing nagpakilala kay Pangulong Duterte sa mga opisyal ng Pharmally Pharmaceuticals na nakakuha ng P8.6 bilyong kontrata para bumili ng medical supplies noong 2020 gayong may ilang buwan pa lamang nag-ooperate at may capital lang na P625,000.
Giit pa ni Colmenares, sakaling maupo sa Malacañang si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ay ipagpapatuloy lamang nito ang incompetence, corruption, patayan at poproteksyunan ang kaniyang ama at iba pang opisyal ng pamahalaan para hindi makasuhan sa korapsyon.