Kinontra ng ilang transport group ang panukala sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng isang mambabatas sa Kamara na suspindihin muna ang pamamahagi ng fuel subsidy.
Sa harap ito ng nakikitang problema sa distribusyon ng ayuda dahil sa bentahan ng prangkisa sa pagitan ng mga operators.
Ayon kay FEJODAP President Ricardo “Ka Boy” Rebano, malaking problema talaga ang pagtukoy sa aktwal na benepisyaryo ng ayuda dahil sa pagpapalit ng owner ng prangkisa.
Aniya, posible kasing hindi makarating sa bagong may-ari ng prangkisa ang ayuda lalo na kung hawak ng dating owner ang Pantawid Pasada card kung saan idinadaan ang fuel subsidy.
“Mula nang maupo si Chairman Delgra, sinuspend po yang transfer of ownership kaya yang mga prangkisa po niyan e naka-record pa rin po yan sa LTFRB sa unang may-ari,” ani Rebano.
“Kung hindi makikipag-cooperate yung dating operator sa bagong operator e wala rin po, hindi ka makakapagsumite ng nire-require na papeles.”
“Ngayon, kung yung dati pong operators ang may hawak ng Pantawid Pasada card, siya pa rin po yung tanging makakakuha kasi papasok po yan sa Landbank, pwede yang i-claim ng dating operators samantalang yung unit, yung prangkisa, nasa ibang tao na,” paliwanag niya.
Sa kabila nito, sinabi ni Rebano na hindi pwedeng mahinto ang pamamahagi ng subsidiya dahil kailangang-kailangan na ito ng mga tsuper.
Muli ring iginiit ng grupo ang pansamantalang pagpapatupad ng pisong provisional increase para tuloy-tuloy pa rin silang makatanggap ng tulong sakaling suspindihin ang pamamahagi ng fuel subsidy.