Itutulak sa susunod na Kongreso ang pagkansela sa batas tungkol sa “Doble Plaka” na nagtatakda na maglagay sa harap at likod ng mas malaking plate number sa mga motorsiklo.
Matatandaan na ipinag utos ni Pangulong Duterte sa Land Transportation Office (LTO) na suspendihin ang implementasyon ng kontrobersyal na batas para sa kaligtasan ng mga motorcycle riders.
Ayon kay Buhay Rep. Lito Atienza, maghahain siya ng panibagong batas sa susunod na kongreso para tuluyang ikansela ang Republic Act 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Law dahil hindi man lamang ito dumaan sa konsultasyon.
Katwiran ng kongresista, nagiging mapangahas ang mga gun for hire hindi dahil sa motorsiklo kundi dahil sa kawalan ng aksyon ng kapulisan.
Sa ilalim ng nasabing batas, itinatakda ng LTO ang mas malaki at color coded plate numbers sa harap at likod ng motorsiklo na kahit na 15-20 metro ang layo ay mababasa para mapigilan ang mga kriminal sa paggamit ng motor tulad ng riding in tandem.