Pagkapanalo ng Pilipinas sa Arbitration Court, iginiit na ng Palasyo sa China

Iginiit na ng Malacañang sa China ang pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration na nagpapawalang-saysay sa pag-aangkin ng Beijing sa halos buong bahagi ng West Philippine Sea.

Ito ang tugon ng Palasyo kasunod ng pahayag ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Lu Kang na ang Spratly Islands ay bahagi ng teritoryo ng China.

Sa statement na inilabas kagabi, sinabi ni Panelo na sumasang-ayon ang gobyerno ng Pilipinas sa China na maaaring resolbahin ang gusot sa mapayapa at diplomatikong paraan upang mapagbuti ang relasyon ng dalawang bansa.


Pero binigyang diin ni Panelo na ang Spratlys ay sa Pilipinas base na rin sa arbitral ruling.

Ipinunto pa ni Panelo na dapat ihinto ng China ang mga hakbang nito na sisira lang sa kapayapaan sa pinagtatalunang karagatan at makakaapekto sa susunod na bilateral negotiations ng dalawang bansa.

Sinabi rin ni Panelo na dapat lumayo ang China sa mga islang pagmamay-ari ng Pilipinas dahil paglabag ito sa soberenya ng bansa.

Nagbanta rin ang Palasyo na maghahain ng bagong diplomatic protest kapag nagmatigas at nagpumilit ang China.

Una nang pinagsabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang China na umalis sa Pag-asa Island.

Facebook Comments