*Cauayan City, Isabela*- Nananatili pa rin sa ‘zero case’ ang Lungsod ng Cauayan sa sakit na African Swine Fever.
Ito ang ginawang kumpirmasyon ni City Agriculturist Ronald Dalauidao upang maiwasan ang pangamba ng publiko tungkol dito.
Ayon kay Dalauidao, siyam na checkpoint na ang kanilang inilatag para matiyak na walang makakalusot na mga karne ng baboy sa lungsod mula sa mga kalapit na lugar.
Sinabi pa ni Dalauidao na sa kabila ng mahigpit na pagbabantay sa mga checkpoint sa lungsod ay mga tao pa rin ang nakukumpiskahan ng mga karne ng baboy na hindi naman dumaan sa tamang pagsusuri pero tiniyak nito na lahat ng nakukumpiskang karne ay agad na ibinabaon sa lupa para maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit.
Binigyang diin din nito na sa mga taong nagbabaalak na magkatay ng baboy ay tiyaking nasa tamang proseso ito kung kaya’t kinakailangan umanong makatay ito sa mismong slaughter house ng tanggapan.
Tiyakin lamang na kumuha ng ‘Barangay Certification’ na ito ay lehitimong galling mismo sa barangay.
Samantala, bumaba naman ng ilang piso ang halaga ng ibinebentang karne sa lungsod dahil na rin sa takot ng mamimili sa isyu ng African Swine Fever.