Wala pang garantiya na may pagkukunan ang pamahalaan ng pambili ng bakuna kontra COVID-19.
Ito ang inihayag ngayon ng mga senador makaraang aprubahan ang 4.5 trillion 2021 national budget kung saan nasa 72.5 billion pesos ang inilaan para sa COVID-19 vaccine procurement, storage, at distribution.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, 2.5 billion pesos pa lamang ang tiyak na may pondo mula sa 72.5 billion na inilaan sa COVID-19.
Aniya, ang natitirang 70 billion ay unprogrammed pa kung saan hahanapan pa ito ng mapagkukunan.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Sen. Imee Marcos, Chairman ng Economic Affairs Committee sa Senado na posibleng kunin ang pondo sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng PhilHealth at DOH.
Samantala, inihayag naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na hindi lang pondo ang kulang, kundi maging ang plano ng pamahalaan para sa pagbili at distribusyon ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Recto, walang detalye sa 72.5 billion kung ilang bahagi nito ang ipambibili ng bakuna at magkano ang para sa storage, transportasyon, kagamitan at training ng magtuturok.
Pinuna rin ng Senador ang hindi man lang pakikipag-ugnayan ang mga miyembro ng gabinete noong tinatalakay ang panukalang budget sa Bicameral Conference Committee, samantalang maari nilang sabihin kung ilan ang target na pabakunahan ng gobyerno at kung magkano ang talagang kailangang pondo.
Kaya tanong ni Recto, tila hula-hula lamang ang budget na para sa bakuna na ipinasok sa 2021 national budget.