Pinapatiyak ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Bureau of Customs (BOC) na makukulong ang mga rice smuggler at hoarder na nasa likod ng pagmanipula ng presyo na maituturing aniyang “heinous crime” laban sa mga mahihirap na Pilipino.
Nagbabala rin si Romualdez sa mga rice trader at importer na ilabas na sa merkado ang kanilang mga naka-imbak na bigas.
Mensahe ito ni Romualdez, makaraang pangunahan niya ang muling pag-iinspeksyon ngayong araw sa mga bodega ng bigas sa Bulacan, kasama sina House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, Committee on Agriculture and Food Chairman Mark Enverga, at Bulacan 5th District Rep. Ambrosio Cruz Jr., gayundin si Customs Commissioner Bienvenido Rubio.
Kabilang sa kanilang inspeksyon ang Gold Rush Rice Mill 3, Dinorado Rice Mill, at JSS Rice Mill, na matatagpuan sa Bulacan gayundin ang isang rice warehouse na walang signage sa loob ng Intercity Industrial Complex.
Isa sa mga bodegang kanilang sinilip, ay mayroong higit sa 60,000 hanggang 70,000 na sako ng palay at imported na bigas na ang iba, inaagiw na.
Ayon kay Speaker Romualdez, pinapatunayan ng mga nakita nilang imbak ng bigas na mayroong sapat na suplay at ang pagtaas sa presyo nito ay posibleng dahil hindi inilalabas ang bigas.