Naniniwala ang Lokal na Pamahalaan ng Quezon City na ang pagkakakumpiska ng mahigit kalahating milyong pisong halaga ng mga paputok ang nakatulong para mabawasan ang bilang ng pyrotechnic related injuries sa lungsod.
Base sa datos ng Quezon City Health Department, umabot lamang sa kabuuang 7 fireworks related injuries ang naitala ng iba’t ibang hospital sa lungsod mula December 21, 2020 hanggang alas-6:00 ng umaga ng January 2, 2021.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, ang nasabing bilang ay mababa ng 80% kumpara sa 35 firecracker related incidents na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Wala rin aniyang naitalang kaso ng namatay, gunshot wound, ligaw na bala at paglunok ng paputok o firecracker ingestion.
Gayunman, titingnan pa rin ng Local Government Unit (LGU) ang pitong insidenteng ito kung may nangyaring paglabag sa dalawang ordinansa ng lungsod na may kinalaman sa paggamit at pagbebenta ng paputok.
Banta pa ni Belmonte, tiyak na masasampahan ng kaso ang mga lumabag sa kautusan.
Una nang ipinag-utos ang mahigpit na pagbabawal sa pagbenta at paggamit ng paputok sa mga pampublikong lugar sa lungsod lalo na ngayong umiiral pa rin ang General Community Quarantine.