Paglabas ng Separate Opinion ni Guanzon Kaugnay sa Disqualification Case ni BBM, Tinawag na “Unprofessional” ng dating COMELEC Commissioner

Cauayan City, Isabela- Tinawag na ‘unprofessional’ ang ginawang paglalabas ng sariling opinyon ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon kaugnay sa disqualification case ni dating senador at presidential aspirant Bongbong Marcos Jr.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay dating COMELEC Commissioner at tumatakbong Congressman ng 6th District ng Isabela na si Atty. Armando Velasco, ang paglalabas aniya ng sariling opinyon ni Guanzon kung saan pabor itong ma-disqualify si BBM ay hindi naaayon sa COMELEC dahil kinakailangan pa ring hintayin ang ilalabas na desisyon ng ponente na si Commissioner Aimee Ferolino para sa kanilang pagboto.

Naiintindihan naman ani Ex-Comm Atty. Velasco ang ginawang pagsasapubliko ni Guanzon ng kanyang boto lalo na’t magreretiro na siya sa Miyerkules, Pebrero 2, 2022 kung saan mawawalang saysay na ang boto nito kung wala pa rin ang desisyon ng ponente.

Inihayag din ni Atty. Velasco na dapat lahat kasi ng mga inihaing disqualification cases laban sa isang aspirant ay naresolba na isang buwan pa lamang bago ang pag-imprenta ng mga balota para maiwasan ang mga naturang isyu.

Ipinaliwanag din ng dating COMELEC Commissioner na kung sakaling manalo at wala pang naganap na proklamasyon at nagkataong na-disqualify si Bongbong Marcos ay ipapalit sa pwesto ang kandidatong pumapangalawa na nakakuha ng maraming boto sa pagka-Pangulo.

Pero kung naiproklama na bilang bagong Pangulo ng bansa si BBM at lumabas ang hatol na disqualified siya ay papalitan naman siya sa pwesto ng nanalong Vice-President.

Facebook Comments