
Pinapa-imbestigahan sa Kamara ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Representative Leila De Lima ang paglaganap ng mga reclamation project sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa inihaing House Resolution No. 574 ni De Lima ay nakasaad na layunin ng imbestigasyon na matukoy ang epekto sa mga komunidad at kalikasan ng mga reclamation project.
Ayon kay de Lima, kailangan ding madetermina kung sumunod ang mga proyekto sa tamang proseso ang mga pagkuha ng permit at kung ito ay nasuri o napag-aralang mabuti.
Una sa nais ni de lima na silipin ng Kamara ang reclamation projects sa Manila Bay na umano’y may panganib na hatid sa kalikasan at malalapit na komunidad.
Ipinunto ni de Lima na sa kabila ng mga sinasabing modernisasyon o pag-unlad na hatid ng mga reclamation ay hindi dapat ma-etsapuwera ang kalikasan, kabuhayan at kaligtasan ng mga Pilipino.







