Paglaganap ng spam at phishing text messages, pinapaimbestigahan sa Senado

Pinasisilip ni Senator Sherwin Gatchalian sa Senado ang paglaganap ngayon ng spam at phishing text messages.

Sa Senate Resolution 133 na inihain ni Gatchalian, inaatasan nito ang kaukulang komite na imbestigahan “in aid of legislation” ang paglaganap ng spam messages at phishing messages na may layuning protektahan ang karapatan sa privacy at security ng mga consumers.

Naaalarma ang senador dahil ang mga spam at phishing messages ay hindi na lamang basta “random messages” kundi nakalagay na rin ang pangalan ng mga balak na biktimahin na subscribers.


Giit ng senador, malinaw na paglabag ito sa privacy ng mga subscribers na nagdudulot na ngayon ng takot dahil maging ang kanilang mga personal na impormasyon ay nakokompromiso na.

Noong 2021, nasa 5,670 mobile phone numbers ang na-deactivate at 71 million na spam messages ang na-blocked ng Globe Telecom habang nitong June 2022 aabot naman sa 23 million text messages na sumusubok na kuhain ang personal data ng mga consumers ang na-blocked naman ng PLDT.

Pinaaalerto at pinakikilos din ni Gatchalian ang mga kaukulang ahensya na magsagawa na ng mas epektibong intervention para mapigilan ang paglaganap at patuloy na problema sa mga spam messages at mas malala na paraan na pagkuha ng mga personal na impormasyon.

Facebook Comments