Manila, Philippines – Hindi na ikinagulat ng Malacañang ang paglalabas ng Estados Unidos ng babala sa kanilang mga mamamayan na nadito sa Pilipinas na mag-ingat laban sa anomang banta ng terorismo o karahasan.
Matapos ang nangyaring pagsabog sa Cotabato City noong nakaraang buwan ay naglabas ang Amerika, United Kingdom, Canada at iba pang bansa ng travel advisory sa Pilipinas kung saan pinagiingat nila ito at pinaiiwas na magpunta sa Mindanao.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, normal naman ang ginagawa ng mga bansa sa paglalabas ng mga travel advisory dahil kailangang palagaan nila ang kapakanan at kaligtasan ng kanilang mga mamamayan.
Hindi din naman ito ikinasasama ng loob ng pamahalaan dahil karapatan ito ng mga bansa lalo pat mayroon silang mga kababayan na nandito sa Pilipinas.
Pero binigyang diin din naman ni Panelo na naniniwala sila sa naging pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ligtas na bumiyahe sa Mindanao.