Paglalagay ng mga jobseeker sa priority list ng COVID-19 testing, ipinanawagan ng PhilHealth

Nanawagan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na dapat munang ilagay sa priority list ng COVID-19 testing ang mga jobseekers bago ang libreng testing para sa kanila.

Kasunod ito ng hirit ng isang senador na gawing libre ang pagpapa-swab test sa mga manggagawang naghahanap ng trabaho.

Ayon kay PhilHealth Vice President for Corporate Affairs Shirley Domingo, mayroong sinusundang priority groups ang Department of Health (DOH) kaya magiging organisado kung mapapasama muna dito ang mga naghahanap ng trabaho.


Sa ngayon, binibigyang prayoridad sa pag-test kontra COVID-19 ang mga may sintomas, high-risk na pasyente, at mga medical worker.

Una nang inimungkahi ni Sen. Sonny Angara na dapat gawing libre ang pagpapa-COVID-19 test ng mga naghahanap ng trabaho ngayong mayroong ilang kompanya na nire-require ito.

Tinatayang nasa P3,500 hanggang P5,000 ang halaga ng isang RT-PCR swab test na mahirap para sa isang naghahanap ng trabaho.

Facebook Comments