Iminungkahi ni Senator Nancy Binay sa mga telecommunications companies ang paglalagay ng “kiosks” para magabayan ang mga subscribers sa pag-rehistro ng kanilang mga SIM.
Ang rekomendasyon ng senadora ay bunsod ng kalituhan sa implementasyon ng SIM Registration Law.
Sa suhestyon ni Binay, maaaring ilagay ang mga “mobile kiosks” sa mga mall, plaza, mga paaralan, at community centers na magsisilbing information booth, at registration center.
Maaari aniyang gamiting template o operational model ang COVID vaccination centers sa local government units (LGUs) sa gitna ng pandemya.
Hiniling din ng senadora sa mga telcos na gawing simple ang proseso ng pagre-register ng SIM at tulungan ang mga hindi gaanong pamilyar sa online transactions.
Kinalampag din ni Binay na magtulungan ang lahat ng kaukulang ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, telcos at media upang magkaroon ng sistema tulad na lamang ng ginawa sa vaccination drive.