Paglikha ng mas maraming trabaho, tututukan ng DOLE matapos pumalo sa 2 milyon ang unemployed nitong Abril

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na patuloy nilang tututukan ang paglikha ng mga trabaho para sa mga Pilipino.

Ito ay kasunod ng pagpalo ng bilang ng mga Pilipinong may trabaho na aabot sa 48.672 million noong Abril.

Ayon sa DOLE, sumasalamin ito sa matatag na antas ng employment sa bansa gaya ng nakita sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Patunay din anila ito ng paglago ng iba’t ibang industriya na nagreresulta sa paglikha ng oportunidad sa lumalaking workforce sa bansa.

Kabilang sa mga sektor na tinukoy ng DOLE na nakitaan ng paglago ang administrative and support service, public administration and defense, agriculture and forestry, construction, at education.

Ibinida rin ng Labor Department ang nananatiling mababang unemployment rate na 4.1% nitong Abril na katumbas ng 2.06 million.

Samantala, ipinakita rin daw ng mga datos ang pagiging adaptable ng mga Pilipinong manggagawa sa kabila ng ilang problema gaya ng education job mismatch, skills-job mismatch, at geographical disparities.

Sa ngayon, patuloy ang DOLE sa pagbuo ng mga polisiya para sa employment, paghasa sa kakayanan ng mga manggagawa at pagpapalawak sa access sa kabuhayan at trabaho sa buong bansa sa ilalim ng Trabaho Para sa Bayan Plan 2025-2034.

Facebook Comments