
Nababahala si Senator Joel Villanueva na posibleng mauwi lamang sa veto ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. kung i-a-adopt ng Senado ang inaprubahang P200 Wage Hike Bill ng Kamara.
Ayon kay Villanueva, kung titingnan ay mas madali at mas praktikal kung ang P100 na dagdag sahod sa pribadong sektor na ipinasa ng Senado ang aaprubahan ng Bicameral Conference Committee.
Sinabi ng Senador na kailangang timbangin ang lahat ng aspeto dahil posibleng isinusulong ng Kamara ang P200 na dagdag sa sahod para tuluyang ma-veto ng presidente at hindi rin matuloy ang P100 na wage increase ng Senado.
Nais ni Villanueva na makita ang basehan ng pag-aaral ng Kamara sa itinutulak na P200 wage hike lalo na sa aspeto kung kakayanin ba ito ng mga employer.
Sinabi ng mambabatas na sa bersyon ng Mataas na Kapulungan, dumaan ito sa pag-aaral, at konsultasyon sa lahat ng mga employer at sektor.
Pangamba pa ng senador, kung hindi malagdaan ng pangulo ang batas ay tiyak na ang presidente ang magmumukhang kontrabida sa bagay na ito.