Paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa bunsod ng community transmission at pagtaas ng testing capacity ayon sa DOH

Aminado ang Department of Health (DOH) na dahil sa community transmission at pagtaas ng testing capacity ang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dapat mas maging maingat ang lahat dahil sa pagkalat ng virus sa kabila ng pagluwag ng community quarantine sa bansa.

Aniya, kinakausap na nila ang mga alkalde ng iba’t ibang lungsod para masiguro ang pag-contain ng COVID-19 sa kani-kanilang mga lugar.


Kasabay nito, humingi ng paumanhin ang DOH sa kanilang ulat na kasama ang Marikina, Muntinlupa at Makati City sa “emerging hotspots” ng mga kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).

Paliwanag ni Vergeire, ang nabanggit na mga datos sa virtual presser nitong July 6 ay batay pa sa report noong nakaraang buwan.

Dahil dito, nangako ang kagawaran ng doble-kayod para mas bago at angkop ang kanilang mga ilalabas na report.

Ipinatigil na rin ng DOH sa kanilang Epidemiology Bureau ang pag-anunsyo ng mga “emerging hotspots” dahil sa pagkakasali ng kanilang mga lugar sa listahan.

Facebook Comments