Manila, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa posibleng pagtaas ng dengue cases sa bansa kasunod ng nararanasang water crisis.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, dapat batid ng publiko ang tamang paraan ng pag-iimbak ng tubig para hindi pamugaran ng lamok na may dalang dengue.
Aniya, dapat siguruhing may takip ang mga lalagyan ng inimbak na tubig.
Sabi pa ni Duque, dapat ay gamitin lamang panligo o panlinis ng paligid ang mga nakukuhang tubig sa rasyon at hindi ito dapat inumin.
Kung hindi naman aniya maiiwasang inumin ito dapat tiyaking mapakuluan muna ng maayos para makaiwas sa sakit.
Nabatid na pumalo nasa 40,614 ang dengue cases sa bansa mula Enero hanggang Marso 2 ng kasalukuyang taon kung saan mas mataas ito ng 68 percent sa kaparehong panahon noong 2018.