Pagluluwag ng age restrictions, ipinaliwanag ni Nograles

Isa sa dahilan kung bakit niluwagan ng pandemic task force ng pamahalaan ang age restrictions o edad ng mga pinapayagang lumabas ay dahil ang ibang bansa ay hindi hinihigpitan ang galaw ng mga bata sa kabila ng public health crisis.

Ito ang pahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles matapos payagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang edad 10 hanggang 65 na lumabas sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) at hinimok ang mga lokal na pamahalaan sa GCQ areas na ipatupad ito.

Ayon kay Nograles na co-chairperson ng IATF, tinitingnan din nila ang mga polisya ng ibang bansa.


Ang Pilipinas aniya ang may pinakamahigpit ang restrictions lalo na sa mga bata ngayong pandemya.

Isa rin sa tinitingnan nila ay ang kawalan ng surge ng COVID-19 cases nang luwagan ng gobyerno ang age limit mula 18-60 years old at 15-65 years old.

Dagdag pa ni Nograles, ang surge ng COVID-19 cases na nakita nila noong holiday season ay manageable pa rin.

Samantala, maglalabas ang IATF ng clarificatory resolution kung saan ang mga batan ay papayagan lamang lumabas basta kasama ang mga magulang.

Facebook Comments