Bukod kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ay kinondena din ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang umano’y pagmaltrato ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro sa kanyang Filipina helper.
Dahil dito ay iginiit ni Villanueva sa Department of Foreign Affairs (DFA) na agad magsagawa ng malalimang imbestigasyon laban kay Ambassador Mauro na ang pananakit sa kanyang kasambahay ay laman ng nag-viral na mga video footage.
Diin ni Villanueva, ang mga embahada natin ang dapat na nangangalaga sa mga kababayan natin sa labas ng bansa.
Ipinunto ni Villanueva na paano pa magtitiwala ang mga kababayan natin kung mismong ambassador ang abusado.
Kaugnay nito ay pinaparepaso rin ni Villanueva sa DFA ang umiiral na grievance mechanisms sa mga embahada para matiyak ang proteksyon sa mga Pilipino sa ibayong dagat.
Pinapatiyak din ni Villanueva sa DFA na hindi na mauulit ang ganitong insidente.