Pinaboran ng mga senador ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang katiwalian sa buong gobyerno.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, mas mainam kung mas maraming nag-iimbestiga sa katiwalian at makatutulong din sa trabaho ng Ombudsman.
Diin naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, “no one is above the law” kaya kahit ang mga senador at kongresista ay maaari ding imbestigahan ng task force na pinangungunahan ng DOJ.
Pero paglilinaw ni Drilon, hindi maaari na direktang magsampa ng kasong graft sa Sandiganbayan ang DOJ dahil dapat ay dumaan ito sa Ombudsman.
Tiwala naman si Senator Risa Hontiveros na maayos na magagampanan ni Jusice Secretary Menardo Guevarra ang pamumuno sa imbestigasyon sa mga katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Pinuri din ni Hontiveros ang buong kooperasyon ni Guevarra sa isinagawang pagdinig ng Senado ukol sa mga iregularidad sa pamahalaan.
Diin naman ni Senator Christopher Bong Go, ang pagbuo ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ‘expanded’ task force ay patunay ng pagiging seryoso nito at matinding kagustuhan na wakasan na ang korapsyon sa gobyerno bago matapos ang kaniyang termino.
Apela ni Go sa lahat, kung paano tayo magbabayanihan ngayon para labanan ang pandemya, magkaisa rin dapat tayo para puksain ang sakit na korapsyon sa ating sistema.