Hindi na ikinagulat ni Deputy Speaker Benny Abante ang paglabag ng ilang mga alkalde, pulis at artista sa prioritization protocol sa COVID-19 vaccination.
Ayon kay Abante, nakakabahala ang ginawang paglabag sa ginawang maagang pagpapaturok ng mga hindi kasama sa priority list kaya dapat lamang na agad itong maaksyunan ng pamahalaan.
Umapela rin si Abante na bukod sa ganitong problema ay higit na mas dapat na pabilisin ang pagbili ng bakuna ng pamahalaan.
Paliwanag ng kongresista, habang tumatagal ang paghihintay ng mga tao sa bakuna ay lalo silang nagiging desperado kaya ang iba ay sisingit para makakuha ng COVID-19 vaccine.
Kung si Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor naman ang tatanungin, kung sariling pera ang pinambili para mabakunahan ng COVID-19 vaccine ng mga wala sa priority list ay maaaring walang isyu pero kung ito ay alokasyon mula sa COVAX Facility ay dito aniya ang magiging problema.
Sinabi naman ni PBA PL Rep. Jericho Nograles na maituturing na paglabag sa “terms and condition” ng Emergency Use Authorization (EUA) ang pagpapabakuna ng isang public official o sinumang hindi kasama sa priority list.
Nababahala ang mambabatas na posibleng madamay o malagay sa alanganin ang pharmaceutical company na nakakuha ng EUA dahil sa ginawang paglabag ng ilan.