Pagpapagamot ng Pasyente, Libre dahil sa bagong bukas na Dialysis Center sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Pinasinayaan na ang kagagawang Gov. Faustino N. Dy, Sr. Memorial Hospital-Hemodialysis Center sa City of Ilagan kahapon.

Pinangunahan ito ni Isabela Provincial Health Officer at GFNDY Hospital Chief Dr. Nelson Paguirigan maging si Governor Rodito Albano III at iba pang mga opisyal.

Ang GFNDY Hemodialysis Center ay una sa apat na Dialysis center na nagbukas sa probinsya kung saan inaasahang mapapakinabangan ng mga Isabeleño para sa kanilang gamutan.


Mayroong 10 dialysis machine ang maaaring gamitin na sa ngayon kung saan 39 machine ang kabuaang magagamit sa nasabing pasilidad.

Nasa huling bahagi na ng pagkumpleto sa mga kinakailangang gawin para sa pagbibigay ng sertipikasyon ng Department of Health (DOH) kung saan libre itong magagamit ng lahat ng Isabeleño sa kanilang gamutan.

Nagpasalamat naman si Gov. Albano sa lahat ng taong tumulong para sa pagkakaroon ng dialysis center gayundin ang pagbibigay ng free medical assistance ni CVMC Chief Dr. Glenn Matthew Baggao maging ang iba pang doktor.

Inihayag din ng Gobernador ang pagbubukas ng tatlo (3) pang dialysis center sa ilang bayan ng Isabela gaya ng Cabagan, Echague at Cauayan City.

Pinuri din nito ang lahat ng mga doktor at nurses sa paghahanda na kanilang ginawa sa pasilidad maging ang paglalagay ng imahe ng diyos pagpasok sa nasabing pagamutan.

Facebook Comments