Hinarang ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagpapaimbita ni Senator Robin Padilla sa mga kongresista sa pagdinig ng Senado tungkol sa panukalang Charter Change (Cha-Cha) sa pamamagitan ng Constitutional Convention (ConCon).
Nagkaroon kasi kanina ng kalituhan mula sa panig ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman Cong. Rufus Rodriguez matapos niyang akalain na kinansela ng Mataas na Kapulungan ang pagdinig pero itinuloy pa rin ng Senado na kalaunan ay naging malinaw na ang imbitasyon lang pala sa mga kongresista ang ipinagpaliban muna.
Ayon kay Padilla na Chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, sinabihan siya ni Zubiri na i-move muna ang pagdinig kasama ang mga kongresista dahil magkakaroon muna ng Executive session patungkol sa Cha-Cha ang dalawang kapulungan ng Kongreso.
Aniya, bilang mabuting sundalo ay susunod siya sa utos ng kaniyang pinuno na si Zubiri.
Ipinunto rin aniya sa kanya ni Zubiri ang ‘interparliamentary courtesy’ bilang pantay ang Senado at Kamara kaya hindi naman niya akalain na magkakaroon ng problema sa pagpapaimbita ng mga kongresista dahil sa mga naunang pagdinig ng Cha-Cha ng Mataas ng Kapulungan ay naimbitahan naman sina Congs. Pantaleon Alvarez at Mark Go.
Isa pa sa tingin ni Padilla ay posibleng iniiwasan ni Zubiri na mapagkamalan ng publiko na joint session ang ginagawang pagdinig ng Kongreso.