Iginiit ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee ang pagpapalakas at pagpapalawak sa kapangyarihan at mandato ng National Nutrition Council o NNC para matugunan ang matagal ng suliranin ng Pilipinas sa malnutrisyon.
Para kay Lee, mainam na itaas na bilang commission ang NNC upang matugunan nito ang problema sa malnutrisyon at kagutuman sa bansa.
Ang mungkahi ni Lee ay alinsunod sa inihain niyang House Bill No. 7586 o panukalang Nutrition Act of 2023 na nagtatakda ng 10-year Philippine Plan of Action for Nutrition na siyang ilalatag ng isang komisyon.
Paliwanag ni Lee, simula ng likhain ang NNC noong 1974, ay nananatili itong maliit na ahensya na mayroon lamang 150 mga opsiyal sa central at regional offices nito.
Ayon kay Lee, malaki ang papel ng NNC sa paglalatag ng mga polisiya, gayundin sa pakikipag-ugnayan at evaluation sa mga nutrition programs ng pamahalaan sa buong bansa.
Dagdag pa ni Lee, ang NNC din ang ahensyang naatasang tumupad sa mga international commitments ng Pilipinas sa United Nations at ASEAN.
Sabi ni Lee, ito ang dahilan kaya kailangan ng matatag at maaasahang Komisyon na talagang nakatutok para tugunan ang mga pangangailangan sa nutrisyon ng Pilipino dahil mas makakaambag sa lipunan ang malusog at produktibong mamamayan.