Pagpapalakas ng mental health services sa mga unibersidad at kolehiyo, lusot na sa Kamara

Nakapasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magpapalakas sa “mental health services” sa State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa.

Sa botong 201-pabor, at wala namang pagtutol ay inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill 10284.

Layunin ng panukala na itaguyod ang karapatan ng bawat Pilipino para sa mental health, at matiyak na may agarang “access” sa kinakailangang interventions, therapy at treatment.


Sa oras na maging ganap na batas, oobligahin ng Commission on Higher Education (CHED) ang lahat ng SUCs sa bansa na magtatag ng mental health office sa kani-kanilang mga campus.

Ang mga opisinang ito ay dapat mayroong hotlines na tatauhan ng trained guidance counselors na magbibigay ng assistance para sa buong SUC community partikular na sa mga estudyante na kailangan ng espesyal na atensyon o may mental health problems, at ang mga “at risk” sa suicide o pagpapakamatay.

Bubuo rin ng mekanismo para sa crisis intervention at suicide prevention para sa SUCs.

Facebook Comments