Iminungkahi ni Deputy Speaker Loren Legarda ang pagpapalakas sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) at pagsusulong ng green jobs sa bansa para masolusyunan ang problema sa unemployment sa Pilipinas.
Kaugnay ito sa pinakahuling report ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong October 2020 na 3.8 million na mga Pilipino ay nananatili pa ring jobless o walang trabaho.
Ayon kay Legarda, bagama’t nagpapakita ito ng significant development mula sa 7.3 million jobless Filipinos na naitala sa kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong April 2020, mahalaga pa rin aniyang matugunan ang problema sa kawalan ng trabaho sa bansa dulot ng pandemya at mga kalamidad.
Ipinanawagan ng kongresista na paigtingin pa ang pagpapatupad ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) Law o RA 9501 at Barangay Kabuhayan Law o RA 9509.
Mahalaga aniyang mapalakas ngayong pandemya ang mga MSMEs program na magbibigay ng trabaho gayundin ang pagpapalakas sa micro entrepreneurs sa mga barangay sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng skills training.
Dagdag pa ni Legarda, ang pagsusulong ng green jobs tulad ng renewable energy projects, management in agriculture, forestry, horticulture, at environmental information technology na makapagbibigay din ng trabaho at iba pang livelihood opportunities sa mga mahihirap na komunidad.
Sa ganito aniyang paraan ay nabibigyan na ng disenteng mapagkakakitaan ang mga mahihirap habang nabibigyang pansin din ang waste management problem ng bansa.