Isinusulong sa Kamara ni Ang Probinsyano Partylist Representative Alfred Delos Santos ang pagpapalakas sa karapatan ng mga agricultural worker sa bansa.
Sa House Bill 7133 o Magna Carta for Workers in the Agricultural Development Sectors, layunin nitong matugunan ang pangangailangan ng magsasaka at suportahan ang agricultural sector.
Nakapaloob sa panukala ang pangangalaga sa karapatan ng mga magsasaka at pagsasaayos ng mga nararapat na benepisyo at insentibo para sa mga ito.
Sinabi ni Delos Santos na naturingang agricultural country ang Pilipinas ngunit ang mga magsasaka ay nakakaranas ng kahirapan at underemployment.
Tinukoy ng mambabatas na 40% ng underemployment at 29% unemployment na naitatala sa bansa ay mga agricultural worker habang 34% naman ang highest poverty incidence rate sa agriculture sector.