Isinusulong sa Dagupan City ang pagpapalawak ng digital literacy at media education para sa mga kabataan sa pamamagitan ng isang ordinansang naglalayong protektahan sila laban sa masamang epekto ng digital access.
Ito ay kasunod ng sunod-sunod na kaso ng suicide na naitala sa lungsod.
Sa ilalim ng Draft Ordinance No. 0-022, itatatag ang Dagupan Digital Parenting and Youth Online Safety Program.
Ayon sa panukala, kabilang sa programa ang pagpapalawig ng Dagupan City Teen Center bilang sentro ng preventive at early intervention services, kabilang ang pagtuturo ng digital literacy at media education sa mga kabataan.
Itatatag din ang isang confidential online reporting portal, hotline, at opisyal na email address upang matugunan ang mga kasong may kinalaman sa cybercrime.
Pangungunahan ang programa ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) katuwang ang iba pang ahensya at pribadong sektor.
Samantala, ang ilalaang pondo para sa programa ay magmumula sa Gender and Development Fund para sa mental health programs, 20% Development Fund para sa capacity-building, at bahagi ng taunang budget ng CSWDO. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










