Nanawagan ang ilang Senador sa pamahalaan na dagdagan pa ang 18-milyong mga mahihirap na pamilya na benepisaryo ng COVID-19 Social Amelioration program.
Diin ni Senator Ramon Bong Revilla, Jr. matindi na ang epekto ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) kaya hindi lang poorest of the poor ang kumakalam ang sikmura.
Mungkahi pa ni Revilla, imbes na dalawang wave ang pag-release ng ayuda ay gawin munang isang initial wave na makakarating sa kahuli-hulihang nangangailangan at tsaka na lang trabahuhin ang next wave.
Si Senate President Tito Sotto III naman ay tiwalang sa simula pa lang ay isasama ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mabibigyan ng tulong pinansyal ang mga nasa middle class.
Buo ang pag-asa ni Sotto na kakayanin ito ng Gobyerno dahil siguradong kayang gawan ng paraan ni Finance Secretary Sonny Dominguez na makahanap ng dagdag na pondo.
Maging si Senator Imee Marcos ay pabor na itodo na ang tulong dahil hirap na ang mga tao.
Kumbinsido rin si Marcos na mayroong pang magagamit na savings mula sa 2019 budget ang Gobyerno habang may magagamit din na salapi sa ilalim ng 2020 national budget at pwede rin tayong umutang kung kakailanganin.